Naghahanda na ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa pagpapatupad ng batas na nag-aatas ng paglalagay ng speed limiter sa mga pampublikong sasakyan o Public Utility Vehicles (PUVs).
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, ang Republic Act 10916 o ang Road Speed Limiter Act ay dapat sana’y ganap nang naipatupad noong 2016.
Aniya, layon nitong isulong ang mas ligtas na paglalakbay para sa mga pasahero at itaas ang pamantayan ng kaligtasan sa mga pampublikong transportasyon sa buong bansa.
Ang batas ay ipinatupad bilang bahagi ng interbensyon ng pamahalaan sa mga aksidente sa kalsada.
Batay sa datos ng World Health Organization (WHO), nasa 1.3 milyong indibidwal ang namamatay sa mga aksidente sa kalsada sa buong mundo habang nasa pagitan ng 20 milyon hanggang 50 milyon ang nasusugatan. | ulat ni Diane Lear