Naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) laban sa isang rider na sadyang pumasok sa South Luzon Expressway (SLEX) kahit alam niyang bawal ang kanyang motorsiklo.
Base sa umiiral na patakaran, mahigpit na ipinagbabawal ang mga motorsiklo na may kapasidad na mababa sa 400cc sa expressway.
Sa kasong ito, alam ng rider na 250cc lamang ang kanyang motorsiklo at sinabi pa niya sa kaniyang vlog na susubukan niyang pumasok sa expressway.
Matapos malaman ang insidente, agad na nag-utos si LTO chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ng imbestigasyon na humantong sa pag-isyu ng SCO.
Ayon kay Asec. Mendoza, ang ginawa ng vlogger ay hindi lamang iresponsable kung hindi mapanganib din dahil maaaring magdulot ito ng kapahamakan hindi lamang sa kanyang buhay kundi pati na rin sa ibang motorista.
Sa SCO, kinilala ang rider na taga-Quezon City at ang kaniyang motorsiklo ay Kawasaki 250 na may Plate No. 428-UDE.
Inatasan din ang rider na humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division, Law Enforcement Service sa September 16 at dalhin ang lahat ng dokumento ng kanyang motorsiklo. | ulat ni Diane Lear