Bibili pa ng karagdagang breath analyzers ang Land Transportation Office (LTO) na magagamit sa law enforcement ng ahensya.
Katulad ng implementasyon ng batas sa mandatory installation ng speed limiters sa Public Utility Vehicles (PUVs), kailangan din ang full implementation ng Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, hinihintay na lamang nito ang final assessment sa mga natitirang 756 units ng breath analyzers na nabili noong 2015 at 2017.
Nauna nang ipinag-utos ni Mendoza ang pag-repaso sa mga nabiling breath analyzers kasunod ng ulat na hindi na ito nagagamit.
Base sa initial assessment, 288 na lamang mula sa 756 units ang maaayos.
Titingnan din ng LTO kung mas praktikal na bumili ng mga bagong breath analyzer kaysa ipaayos at i-recalibrate na lang ang mga ito. | ulat ni Rey Ferrer