Maganda ang inaasahang food supply ng bansa sa harap ng nalalapit na holiday season sa Pilipinas.
“In terms sa supply, maganda iyong expectation natin iyong ating projection, sa presyo naman, nakita na natin mayroon na tayong P42 sa imported rice, ang local natin is P45,” -Asec. de Mesa.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Agriculture Asec. Arnel de Mesa na kahit kasi nakaranas ng El Niño ang bansa, maging ang pagdaan ng magkakasunod na bagyo, ang naitalang nawala o pinsalang idinulot ng mga ito sa agri sector ng Pilipinas ay nasa 420, 000 metric tons lamang.
Pasok aniya ito, sa inasahan na ng pamahalaan na nasa 400,000 hanggang 600, 000 metric tons na agri losses kada taon.
Sabi ng opisyal, sa kasalukuyan, nakakakita na ng magandang paggalaw sa presyo ng bigas sa bansa.
Ang una na aniyang ipinangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas mababang presyo ng bigas, unti-unti nang nararamdaman ng mga Pilipino.
“Iyong coming from P50 na mataas na presyo, iyong pangako ng ating Pangulo na nagsisimula ng bumaba iyong pagbaba ng presyo ng bigas, nararamdaman na natin ngayon at doon sa projection din ni Secretary Kiko by October ay magkakaroon na rin talaga ng significant changes hanggang January na presyo ng bigas,” -Asec. de Mesa. | ulat ni Racquel Bayan