Tumutulong na ang pamahalaang lungsod sa pamunuan ng Malabon Central Market (MCM) para agarang maialis at maitapon ang mga naipong basura sa paligid ng palengke na naiulat na nagdudulot na ng masangsang na amoy at abala sa mga residente at mamimili.
Ayon kay Malabon City Administrator Dr. Alexander Rosete, kahit na ang isyung ito ay responsibilidad ng management ng Malabon Central Market bilang isang pribadong palengke ay tututukan na rin umano ito ng LGU para masigurong malilinis na ang kanilang lugar.
Nitong Huwebes, nagsimula na rin aniyang hakutin ang mga basura matapos padalhan ng liham ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ang Malabon Central Market management para alisin na ang mga hindi pa nakolektang basura sa loob ng 24-oras.
Bilang tugon sa isyu, una na ring nakipag-ugnayan na ang pamahalaang lungsod sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para makatulong sa waste collection sa palengke. | ulat ni Merry Ann Bastasa