Nakatakda nang simulan ng Marawi Compensation Board ang pamamahagi ng kompensasyon para sa mga residente na naapektuhan ng Marawi Seige noong 2017.
Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni MCB chairperson Maisara Dandamun-Latiph na mula July 3, 2023 hanggang July 4, 2024 ay nakatanggap sila ng 14,495 claims, kabilang na dito ang para sa structural claims, property claims at death claims.
Pero pinaliwanag ni Latiph na sa ngayon ay kino-consolidate pa ng ilan ang kanilang mga claim kaya naman inaasahan na bababa pa sa halos 13,000 na lang ang mga iproproseso nila.
Tinatayang aabot sa P36 billion ang kakailanganin para mabayaran ang mga naihain na claim sa kanila.
Nangangahulugan ito na nasa P5-6 billion kada taon ang ideal na pondo ng board para maibigay ang claims ng mga biktima ng Marawi Seige
Humihiling rin ang MCB ng dagdag na 51 permanent staff para makayanan nilang maproseso ang 3,000 claims kada taon at matapos ang lahat ng claims sa loob ng limang taon.
Matatandaang sa ilalim ng Republic Act 116964, o ang Marawi Siege Victims Compensation Act, dapat makumpleto ng MCB ang kanilang trabaho sa loob ng limang taon mula nang maging epektibo ang implementing rules and regulations (IRR) ng batas.
Noong May 2023 nailabas ang IRR ng naturang batas.| ulat ni Nimfa Asuncion