Natukoy ng House Quad Committee na dati palang Chinese police officer si Duanren Wu, ang top executive ng Whirlwind Corporation.
Lumabas ang impormasyon batay na rin sa testimonya ni Cassandra Ong, na isa ring incorporator ng Whirlwind at kinatawan ng Lucky South 99 na pawang mga pinasarang POGO.
Inamin ni Ong, na ninong niya si Wu na bestfriend ng kaniyang nanay.
Sinabi rin niya na sa kaniyang pagkakaalam ay nagsilbi sa Chinese government si Wu bilang pulis bago pumasok sa pagnenegosyo.
“Ang alam ko lang po is nagtatrabaho siya sa government agency noon, tapos nag-resign na po after,” tugon ni Ong sa pagtatanong ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, chair ng Committee on Dangerous Drugs.
“Simpleng police lang po siya, pero again, nag-resign na rin po siya,” dagdag niya
Kinumpirma ito ni Barbers at sinabing batay pa sa kanilang nakuhang impormasyon, maraming negative na record si Wu habang nasa pulisya.
“Alam mo ba na may mga record siya, sa pagiging pulis… maraming negative na record siya doon sa China,” sabi ni Barbers kay Ong na sinabing wala siyang alam tungkol sa naturang impormasyon.
Kasabay nito, kinilala rin ni Ong ang isang Mr. Cheng, na siyang may ari ng Lucky South 99.
Itututuloy ng Quad Comm ang kanilang pagdinig sa Huwebes, September 12. | ulat ni Kathleen Forbes