Binati ng mga mambabatas na miyembro ng Young Guns si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Speaker Martin Romualdez sa mataas na satisfaction at trust rating na nakuha ng dalawang opisyal sa isinagawang survey ng Tangere mula September 16 hanggang 19.
Ayon kay Deputy Speaker David Suarez, mas mahalaga ang performance kaysa politika.
Kaya naman ang pag-ikot ng Pangulo at ng House Speaker sa iba’t ibang panig ng bansa at pagpapaabot ng tulong sa mga nangangailangan ay mas naipadama nila sa taumbayan ang alaga ng gobyerno.
“From my point of view I think it only means one thing, performance will always beat politics. So the more that you work, the more that you do your work, the harder that you work, and the better that you perform your duties, the Filipino people will recognize this and the Filipino people will respond to this positively,” pahayag ni Suarez.
Sabi pa niya, umaasa siyang ang mga numerong ito ay maging inspirasyon para sa iba pang mga opisyal ng gobyerno na magsikap sa pagsisilbi sa mga Pilipino.
“Nakita naman natin itong nakalalipas ng mga buwan yung ikot ng ating Pangulo sa iba’t ibang probinsya, sa paghahatid ng tulong, sa pag-a-address ng mga issues na hinaharap ng ating bansa. And of course when it comes to the work of Speaker Martin Romualdez, we have seen the same degree in dedication sa mga ikot ng BPSF, sa paghahatid ng tulong sa mga nangangailangan… And I’m happy for the numbers that they have received. And I hope this will further inspire the administration to work harder because the Filipino people need people who are serious and who are willing to work for the Filipino people,” diin ni Suarez.
Sinabi naman ni Zambales Representative Jay Khonghun hindi na aniya nakakapagtaka ang positibong pagtanggap ng mga Pilipino na lumabas sa survey dahil kapwa masipag ang dalawang lider at talagang hinaharap ang problema ng bayan.
“Hindi sila nagtatago, hindi sila umiiwas, at talagang ginagampanan nila yung tungkulin sa ating mamamayan. Talagang napakasipag ng kanilang pag-iikot. Talagang gusto nilang makita, makausap lahat ng sektor ng ating mamamayan, lalong-lalo sa ating mga kababayan sa Mindanao, ating mga kababayan sa Kabisayaan. Talagang pinupuntahan nila. So talagang hindi na tayo magtataka kung nakikita at nararamdaman ng ating mamamayan yung trabahong ipinapakita ni President BBM at ni Speaker Martin Romualdez,” dagdag ni Khonghun.
Batay sa resulta ng survey, mula 46% satisfaction rating ni PBBM ay tumaas ito sa 46.40%, habang mula 58.50% ay umakyat sa 58.80% ang kaniyang trust rating.
Nasa 46.3% naman ang satisfaction rating ni Speaker Romualdez mula sa 45.55% habang ang Trust Rating ay tumaas ng 56.4% mula sa dating 56%.
Si Senate President Chiz Escudero naman ay nakakuha ng 50.8% Satisfaction Rating at 60% Trust Rating.
Nakapagtala naman si Vice President Sara Duterte ng pagbaba sa kaniyang satisfaction rating na naging 48.70% mula sa dating 49% at trust rating na 56.70% mula sa dating 57%.
Payo naman ni La Union Representative Paolo Ortega na tulad ng isang grading system, ang mga survey na ito ay maaaring maging paalala sa mga opisyal na kung delikado ang grado ay kailangan pagbutihin pa ang trabaho sa susunod.
“Very much welcome po kasi ang mga ganyang surveys naman po ay tools lang po, eh kung paano mo i-improve the way you work, the way you do public service, nung ginagawa natin. So ako, personal reaction ko, dapat i-welcome talaga kung ano man yung mga resulta na yan at gamitin. Parang grading system. Parang sa classroom, meron kang grade. Di ba? Kung delikado ka sa grado mo ngayon, kailangan mag-improve ka sa mga susunod na buwan,” ani Ortega. | ulat ni Kathleen Jean Forbes
📸: PCO