Iprinesenta ng House Quad Committee ang pagkaka-ugnay ni dating Presidential Adviser Michael Yang at associate nito na si Allan Lim sa malalim at malawak na crime syndicate mula sa drug trafficking, money laundering, at iligal na POGO.
Sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez ang nagpresenta sa naturang matrix kung saan makikita ang koneksyon ng POGO, iligal na droga, iligal na pagbili ng mga lupa, at iba pa.
Ani Suarez pare-pareho ang mga karakter sa naturang ‘criminal enterprise.’
Tinukoy niya na si Yang at Lim ay nagtayo ng mga lehitimong negosyo para itago ang mga kriminal na aktibidad gaya ng DCLA Plaza na isang shopping mall, ngunit ginagamit umanong hub sa drug distribution network ni Yang.
“As the investigations progressed, there were corporations that kept surfacing and familiar names, names that have been tied to controversial investigations. Nung nakita po namin ang pattern ay sinundan namin pataas ang mga korporasyon na ito, stripped it of its layers, to get to the top and thru it all, we have discovered and identified at least two main actors or players in the issue of illegal drugs and illegal activities associated with POGOs,” sabi ni Suarez na pinatutungkulan si Yang at Lim.
Isa pang kompanyang Brickhartz Technology Inc. na sangkot umano sa ilang pandurukot na konektado rin sa Xionwei Technology Co. Ltd., ang sinasabing POGO at konektado kay Lim.
Ang dalawang kompanyang ito ay may koneksyon rin sa Baofu Compound sa Bamban Tarlac na iniuugnay kay dismissed Mayor Alice Guo.
Mayroon ding koneksyon ang dalawang personalidad sa Lucky South 99 na POGO hub sa Porac.
Nauna na rin naugnay ang dalawa sa kontrobersyal na Pharmally deal.
Habang si Yang ay natukoy ding may kaugnayan din sa Empire 999 kung saan nasabat ang ₱3.6-billion na shabu shipment sa Mexico, Pampanga noong 2023.
Ginamit naman sina Gerald Cruz, Jayson Uson at Yugin Zheng, at asawa ni Lim na si Rose Nono Lin, sa pagtatatag ng mga negosyo upang maitago ang totong pagmamay-ari.
Ang nakatatandang kapatid naman ni Michael Yang na si Tony Yang o kilala bilang Antonio Maestrado Lim ang sinasabing mastermind ng lahat ng operasyon ng naturang criminal syndicate.
“Si Tony Yang ang eldest brother among the Yang brothers. Siya daw ang totoong mastermind o architect ng lahat ng operasyon at criminal syndicate ng Yang Brothers dito sa ating bansa,” ani Suarez.
May-ari rin si Tony Yang, ng mga negosyo sa Cagayan de Oro City, kabilang ang Yang Zi Hotel—dating POGO hub—at Philippine Sanjia Steel Corp., na umano’y sangkot sa rice smuggling at human trafficking.
Nagbabala si Suarez na tila naabot na ng criminal syndicates, partikular ng Chinese nationals ang bansa na isang banta sa ating national security at sovereignty.
“Nagsimula nang kamkamin, gamit ang iba’t ibang korporasyon o mga indibidwal, mga banyaga pretending to be Filipinos sa pamamagitan ng pamemeke ng mga birth certificate at iba pang government IDs, ang ating lupain na dapat ay para sa Pilipino lamang. This is a serious threat to our national security and to our very sovereignty as a nation,” saad pa niya.
Kaya naman ayon kay Gonzales irerekomenda nila ang paghahain ng kasong kriminal, sibil at administratibo laban sa mga sangkot at magsusulong ng reporma para maayos ang mga butas sa legal system ng bansa.
Bahagi nito ang pagkakaroon ng sariling Racketeering Influenced and Corrupt Organizations (RICO) Act at pagrepaso sa Special Investor’s Resident Visa Program, Anti-Dummy Law, at Philippine Passport Act.
“Sa ngayon, ay na-uncover pa lang po natin ang criminal enterprise. Wala pa po tayo sa tanong na who enabled them to freely and with impunity operate. Mga dayuhan po ang na-identify natin. Hindi po ito makaka-operate kung walang mga Pilipinong tumulong,” ani Gonzales.
Sabi pa niya, “Wala pa rin po tayo sa financial links. Kulang pa. To completely paralyze them is to cut the financial stream o ang agos ng pera. Saan na naman po nagkulang ang ating batas sa dalawang usaping ito?” | ulat ni Kathleen Jean Forbes