Dinagsa ng mga naghahanap ng trabaho ang isinasagawang Mega Job Fair ng Department of Migrant Workers (DMW) sa SMX Convention Center sa Pasay City ngayong araw, Setyembre 22 bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-25 National Maritime Week at ika-29 National Seafarers Day.
May temang “Disenteng Trabaho para sa mga Marinong Pilipino” ang nasabing kaganapan na dinaluhan ng humigit-kumulang 40 licensed manning agencies na nag-aalok ng mahigit 3,000 trabaho sa maritime industry.
Nagsimula ang job fair kanina matapos magbukas ang registration bandang 9:30 ng umaga, at tuluyang binuksan ang mga pinto para sa mga aplikante bandang 10:00 ngayong araw.
Sa kabila naman ng pagdagsa ng mga aplikante at maagang pag-abot sa target ng ahensya na bilang sa registration ay pinayagan pa rin ang mga dumating ngayong araw na isumite ang kanilang mga resumé sa mga agency na target nilang pasukan.
Tatlong Hall na rin sa SMX Convention Center ang naokupa ng job fair mula sa Exhibition Hall 2 na orihinal na pinagdadausan ng kaganapan para sa patuloy na dagsa ng mga job seeker. | ulat ni EJ Lazaro