Umaasa si 1-Rider Party-list Representative Bonifacio Bosita sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na magtutuloy-tuloy ang ginagawang pagdisiplina sa mga empleyado nito.
Ginawa ni Bosita ang pahayag sa plenary deliberation sa panukalang budget ng MMDA, kung saan sinabi nito na kapansin-pansin na wala na halos na natatanggap na reklamo ang kanyang opisina laban sa mga nang-aabuso na MMDA enforcers.
Ayon kay Caloocan Rep. Mitzi Cajayon Uy, umaabot sa 54 ang enforcers ang kanilang sinibak simula 2023-2024 dahil sa extortion, abandonment of post, AWOL, at apprehending without authority.
Ayon kay Bosita, dahil sa pinatutupad na striktong panuntunan ng MMDA nabawasan na ang mga abusadong enforcers sa kalsada.
Samantala, patuloy naman ang promotion ng MMDA sa job-order (JO) employees upang maging casual employees.
Mula 2023 hanggang 2024 nasa 167 JO employees ang nabigyan ng pagkakataon na maging casual employees.
Nakadepende naman sa aaprubahang budget sa susunod na taon ang kanilang target na mapo-promote. | ulat ni Melany Valdoz Reyes