Sumampa na sa 133,000 pamilya o katumbas ng higit kalahating milyong indibidwal ang naitala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naapektuhan ng mga malalakas na pag-ulang dulot ng habagat, bagyong Ferdie at bagyong Gener.
Mula ito sa higit 900 barangays na apektado sa 10 rehiyon sa bansa.
Kaugnay nito, tumaas rin ang bilang ng mga pamilyang nananatili sa evacuation centers.
Batay sa tala ng DSWD, as of September 16, mayroon nang halos 14,000 pamilya pa o katumbas ng halos 52,827 indibidwal ang nananatili sa evacuation centers.
Tuloy-tuloy naman ang paghahatid ng tulong ng DSWD na sumampa na rin sa higit ₱13.4-milyon ang naipaabot na tulong sa mga LGU na apektado.
Nananatiling nakahanda rin ang nasa ₱2.8-bilyong halaga ng stockpile at standby funds ng DSWD para tumugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente. | ulat ni Merry Ann Bastasa