Binalaan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga nagkakanlong kay dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na mahaharap sila sa kasong “Obstruction of Justice.”
Ang babala ay ginawa ni CIDG Spokesperson Lt. Col. Imelda Reyes, kasabay ng pagsabi na may magandang development sa pagtugis sa dating opisyal na may arrest order mula sa House Quad-Committee.
Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye si Reyes maliban sa pagsabi na nangangalap ngayon ang CIDG ng kuha ng CCTV na magpapatunay ng lokasyon ng dating opisyal.
Una nang sinabi ng PNP na pinaniniwalaang hindi pa nakalabas ng bansa si Roque, base sa impormasyon mula sa Bureau of Immigration.
Tini-trace na rin ng PNP ang lokasyon kung saan nagsagawa ng Facebook live broadcast si Roque, kung saan kanyang itinanggi na siya ay pugante at umiiwas lang sa umano’y pang-aabuso sa batas ng Kamara. | ulat ni Leo Sarne