Hindi malayong maharap sa kaso ang mga opisyal ng Department of Education (DepEd) na nagpahintulot sa delivery ng panis na gatas at nutri bun sa mga mag-aaral sa ilalim ng school based feeding program.
Isa ito sa mga isyu na lumabas sa pagtalakay ng Kamara sa panukalang budget ng DepEd.
Ayon sa miyembro ng Young Guns Bloc na sina Reps. Paolo Ortega at Jay Khonghun, maaari itong maikonsiderang criminal negligence.
Sabi pa ng dalawang mambabatas, ang school feeding program ay layon sanang mabigyan ng angkop na nutrisyon ang mga mag-aaral.
Ngunit dahil sa nangyari ay nalagay pa aniya sila sa alanganin.
“Eh kung sıra ang gatas at nutri bun o tinapay na dineliver, anong kinain ng mga bata? Wala. Kung ako ang magulang ng mga apektadong bata, magagalit ako,” sabi ni Ortega.
“Kapag gutom ka, kumakalam ang sikmura mo – maging bata o matanda – ay di ka makakapag-focus sa pag-aaral o sa anumang ginagawa mo,” giit ni Khonghun.
“That is why we say this is criminal neglect on the part of the implementers of the program, from the highest level at DepEd to the level of the school-recipient,” diin ng dalawa.
Naniniwala sina Ortega at Khonghun, na dahil sa principle ng command responsibility ang mga matataas na opisyal ng DepEd ay dapat ring panagutin, pati na ang suppliers ng gatas at nutri buns. | ulat ni Kathleen Forbes