Kasabay ng pagbisita ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Davao City ngayong araw, ay inilunsad din ang ‘zero billing’ program para matulungan ang mga pasyenteng nagpapagamot sa mga pampublikong ospital.
Sa pagbisita ni Speaker Martin Romualdez sa Southern Philippines Medical Center o SPMC, inanunsyo nito na lahat ng magpapatingin sa outpatient mula September 5 hanggang 6 kasabay ng serbisyo fair, ay libre na sa gastusin sa pagpapagamot.
Ito’y matapos ipag-utos aniya ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ibaba ang nasa P50 milyon na halaga ng medical assistance for indigent patients o MAIP sa SPMC para sa zero billing.
Maliban dito, nabigyan din sila ng 10 kilo ng bigas.
“Isinama ko ang mga kongresista ng 19th Congress para makita ng buong Davao City na mahal na mahal po natin ang Davaoeños. Dahil dito, kami po sa House ay dina-download natin ang P50 million na MAIP funds para sa SPMC upang lahat ng gastusin ng mga pasyente na na-confine dito as of September 5 and 6, 2024 ay wala nang babayaran. Zero billing for all patients,” ani Speaker Romualdez.
Kasabay nito may food voucher din na ipinamahagi sa mga pasyente at staff ng SPMC pati P10,000 na tulong pinansyal sa lahat ng 6,000 na empleyado ng SPMC mula sa AKAP program ng DSWD.
Binisita rin ni Speaker Romualdez ang Pediatric Cancer Ward at namahagi pa ng mga laruan at kiddie meal sa mga bata. | ulat ni Kathleen Forbes