Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na sakop ng kanilang benepisyo ang pagpapagamot sa mga pasyenteng mayroong dengue at leptospirosis.
Ayon sa PhilHealth, ang mga pasyenteng may dengue fever ay maaaring makakuha ng hanggang P13,000, habang ang mga may severe dengue hemorrhagic fever ay maaaring makatanggap ng hanggang P16,000.
Samantala, ang mga may leptospirosis naman ay maaaring mag-avail ng benepisyo na aabot sa P14,300.
Ito ay kasunod ng tumataas na bilang ng mga kaso ng dengue at leptospirosis sa bansa ngayong taon.
Batay sa datos ng Department of Health, mahigit 200,000 na ang kaso ng dengue ang naitala sa unang linggo ng Setyembre.
Samantala, umabot na sa mahigit P14.7 milyon ang naibayad ng PhilHealth sa claims ng leptospirosis, at mahigit P1 bilyon naman para sa dengue sa unang kalahati ng taon 2024. | ulat ni Diane Lear