Muling hinikayat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga Pilipinong mangingisda na huwag matakot na pumalaot sa Bajo de Masinloc.
Ito ay sa kabila ng presensya ng mga barko ng China sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Ayon kay Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, sa ngayon, wala pa silang natatanggap na ulat ng anumang pangha-harass mula sa mga mangingisda roon.
Kaugnay nito, kaniyang sinabi na kahit hindi nakikita sa surveilance ay patuloy naman ang pagpa-patrolya ng mga barko ng Navy sa Bajo de Masinloc.
Tiniyak din ni Trinidad na mananatiling tapat ang AFP sa kanilang mandato na protektahan ang teritoryo ng bansa.
Matatandaan na walang mangingisdang Pilipino ang nakita kahapon sa bahagi ng Bajo de Masinloc na mayaman sa isda. | ulat ni Diane Lear