Inihayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro, Jr. ang kaniyang pagdududa kung bakit hindi nasisita ng mga lokal na pamahalaan ang mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator o POGO na malapit sa mga base militar.
Sa ambush interview sa Camp Aguinaldo, partikular na binanggit ni Teodoro ang ni-raid na scam hub sa Bamban, Tarlac na pinamumunuan ng sinibak na alkalde na si Alice Guo.
Ang nasabing scam hub ay binubuo ng 32 gusali at dalawang minuto lamang ang layo mula sa Training and Doctrine Command ng Philippine Army at Light Armor Division sa Capas, Tarlac.
Dumistansiya naman ang kalihim sa imbestigasyon kung totoong espiya si Guo. Nauna nang napatunayan na Chinese national si Guo at sangkot sa mga ilegal na aktibidad.
Kaugnay nito, nagbabala si Teodoro sa mga lokal na pamahalaan na maging maingat sa pagtanggap ng mga kahina-hinalang tulong na maaaring gamitin ng mga gustong guluhin ang ekonomiya at pulitika ng bansa. | ulat ni Diane Lear