Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si DICT Secretary Ivan John Uy na tiyaking makapaglalagay ng internet connection sa mga malalayo at liblib na lugar sa bansa.
Ang direktiba ay ginawa ng Pangulo sa isinagawang sectoral meeting sa Malakanyang kung saan ay napag-usapan ang National Digital Connectivity Plan o ang NDCP 2024-2028.
Mungkahi ng Pangulo sa DICT, maglunsad ng connectivity program sa mga lugar kung saan maaaring magbigay ng libreng Wi-Fi ang pamahalaan.
Ito’y upang masiguro na rin aniya ang merkado para sa mga kumpanya ng telekomunikasyon at makapagbigay din ng koneksyon sa mga pasilidad ng gobyerno gaya ng barangay offices, LGUs at iba pa.
Idinagdag ng Chief Executive na maaari na ding maisama sa budget sa mga susunod na panahon ang pondo para sa wi-fi ng mga ahensiya ng pamahalaan na aniyay hindi naman mangangailangan ng malaking halaga.
Binigyang diin ng Pangulo na mahalaga ang NDCP 2024 to 2028 gayung ito ang magsisilbing pundasyon sa paglikha ng isang digital Philippines. | ulat ni Alvin Baltazar