Nananawagan ngayon si Manila Representative Rolando Valeriano kina Finance Secretary Ralph Recto, Agriculture Secretary Francis Laurel, at Transportation Secretary Jaime Bautista na imbestigahan at tiyaking mailalabas agad sa mga pier ang mga natenggang imported na bigas.
Aniya, dapat matukoy ang detalye ng sanhi sa delay sa paglalabas ng mga kargamento.
Pinapurihan din ni Valeriano sa Philippine Ports Authority General Manager Jay Santiago sa kanyang pagbunyag sa natenggang 888 shipment containers na katumbas ng kalahating milyong sako ng bigas sa mga pier.
Giit ng Manila solon, kung mapatunayang sinadya ang pang-iipit ng mga kargamento ay mayroon dapat matanggal sa pwesto at makasuhan ng economic sabotage.
Gayundin ay i-blacklist aniya ang rice importers na sinasadya ang pag-delay sa release ng container vans ng bigas.
Iniulat ni Santiago na 300 sa naturang 888 containers ay nailabas na nitong weekend. Nagsasagawa na rin ng pagsisiyasat ang Department of Agriculture sa posibleng pagsasampa ng kaso sa mga consignee, sakaling mayroong makitang hoarding o profiteering sa mga nakatenggang container. | ulat ni Kathleen Forbes