Handang magbigay ng libreng sakay ang Philippine National Police sa mga maaapektuhang komyuter dulot ng ikinasang 2 araw na tigil-pasada ng grupong PISTON at MANIBELA simula ngayong araw.
Ito’y bilang pagtutol pa rin nila sa patuloy na pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVM) ng Pamahalaan.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, maliban sa mga Pulis na kanilang ipakakalat para magtiyak ng seguridad, naka-standby na rin ang kanilang mga sasakyan para naman sa mga maaapektuhan.
Bagaman paiiralin ng Pulisya ang maximum tolerance sa mga ikinasang pagkilos ng 2 transport group, naki-usap naman ang PNP sa mga ito na irespeto ang mga kapwa nila tsuper na hindi sasama sa kanila.
Marami pa rin kasi sa mga tsuper ng jeepney ang pipiliing mamasada upang may maipangtawid sa kanilang arawang gastusin. | ulat ni Jaymark Dagala