Positibo ang ilang mga nagtitinda sa palengke na magiging maayos at abot-kaya na ang presyuhan ng mga pangunahing bilihin.
Ito’y sa sandaling maipatupad na ang Anti-Agriculture Economic Sabotage Law na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Kalentong Public Market sa Mandaluyong City, sinabi ng mga nagtitinda na panahon na upang magkaroon ng pangil ang batas mula sa mga nagpapahirap sa mga Pilipino.
Dapat anilang papanagutin ang sinumang mananabotahe sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagmamanipula sa presyo ng mga bilihin kahit pa mga opisyal ito ng pamahalaan.
Anila, hindi naman kasi maisasakatuparan ang masamang plano ng mga kawatan partikular na ang mga smuggler at hoarder kung hindi ito tinutulungan ng mga maiimpluwensya at makapangyarihang indibidwal.
Kailangan nang matuldukan ang matagal nang problema sa smuggling at hoarding ng mga produkto dahil bukod sa mga buwis na nasasayang, lalo pang tumitindi ang kompetisyon na siyang ikinalulugi ng mga maliliit na negosyante.
Magugunitang inihayag mismo ni Pangulong Marcos na aabot sa ₱3-bilyon ang nawala sa kaban ng bayan noong isang taon dahil sa agricultural smuggling. | ulat ni Jaymark Dagala