Wala pang naapektuhang transmission lines at mga pasilidad ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa gitna ng nararamdamang sama ng panahon sa ilang lugar sa bansa dala ni Tropical Depression Gener.
Sa ulat ngayong hapon ng NGCP, nananatiling nasa normal ang operasyon ng lahat ng kanilang pasilidad partikular sa Northern Luzon.
Gayunman, tiniyak ng NGCP na patuloy silang nakaantabay at nakahandang tumugon sa ano mang mga kaganapan habang may epekto pa ang bagyo.
Ayon sa PAGASA, ang bagyong Gener ay nasa bahagi na ng West Philippine Sea.
Tinatayang nasa 255 kilometro ang layo sa West-Northwest ng Baguio City kaninang ala una ng hapon.
Nananatiling nakataas sa Tropical Cyclone Wind Signal Number 1 ang Northwestern Portion ng Mainland Cagayan, Babuyan Islands, Apayao, Abra, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan. | ulat ni Rey Ferrer