Nakatakdang maghain ng kanilang proposed amendments ang minority bloc sa Kamara para sa inaprubahang House Bill 10800 o 2025 General Appropriations Bill.
Sa “turno en kontra” speech ni Minority leader Marcelino Libanan, sinabi nito na ang amyenda ay upang dagdagan ng budget ang mga ahensya ng gobyerno na higit na nangangailangan ng pondo.
Ilan sa mga concern na binanggit ng minority leader ang budget cuts sa mga pangunahing kagawaran, kabilang dito ay ang Department of Transportation, Department of Migrant Workers, ang pondo para sa infrastructure priorities, Department of Health, Marawi Compensation Board, Mindanao Development Authority, at iba pa.
Binigyan-diin ng mambabatas na dapat solusyunan ang matagal nang issue ng contractual employees gaya ng sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na 53 percent sa mga empleyado nito ay mga COS o Contract of Service ang status.
Giit ng lawmaker, bagaman kinikilala nila ang mga nakamit na economic growth, kailangan na suportahan ng 2025 budget ang mga gaps sa pamahalaan upang mas paghusayin ang paglilingkod sa taumbayan. | ulat ni Melany Valdoz Reyes