Pinag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paglalagay ng tunnel at bus lane sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ito ay upang maibsan ang lumalalang bigat ng trapiko sa nasabing kalsada.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, kabilang sa nakakapagpabigat ng daloy ng mga sasakyan sa Commonwealth Avenue ay ang ginagawang MRT-7.
Ani Artes, nagpulong na sila kasama ang Traffic Engineering Center ng ahensya at pinag-aaralan na sa ngayon ang mga alternatibo na maaaring gawin para maibsan ang pagbigat ng trapiko sa Commonwealth Avenue.
Kabilang sa mga pinag-aaralan aniya ng MMDA ang paglalagay ng tunnel mula Commonwealth na didiretso na patungong East Avenue at Quezon Avenue.
Batay sa datos ng MMDA, nasa 10,000 mga sasakyan tuwing umaga ang dumadaan na galing Commonweath Avenue patungong Quezon Avenue, habang nasa 8,000 na mga sasakyan naman ang patungong East Avenue.
Sinabi ni Artes na ilalatag nila ang magiging resulta ng pag-aaral sa Quezon City LGU, DPWH at DOTr. | ulat ni Diane Lear