Bagamat ikinatuwa ni Basilan Rep. Mujiv Hataman ang naging desisyon ng Korte Suprema na kumikilala sa constitutional validity ng Bangsamoro Organic Law ay ikinalungkot naman nito ang desisyon na hindi kasama ang Sulu sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“Habang ikinagagalak natin ang desisyon ng Mataas na Hukuman ukol sa BOL, hindi natin maikukubli ang ating kalungkutan at pagkadismaya sa hatol na hindi bahagi ng Bangsamoro region ang Sulu,” saad ni Hataman.
Aniya, kung babalikan ang kasaysayan, ang Sulu aniya ang duyan ng pakikibaka para sa isang malayang Bangsamoro at nagsisilbing simbolo ng paglaban ng mga Moro laban sa panunupil.
“Ang kwento ng mga magigiting na mandirigma ng Sulu ay bahagi ng naratiba ng Bangsamoro. Maraming bayani at mujahideen mula sa Moro National Liberation Front ay galing sa lalawigan ito,” wika ni Hataman.
Kaya naman aniya ang pagkakahiwalay ng Sulu mula sa Bangsamoro ay tahasang pagtanggi sa malaking kontribusyon at importanteng papel na ginampanan ng mga taga-lalawigan sa kasaysayan ng rehiyon.
Sabi pa niya na hindi kumpleto ang Bangsamoro kung wala ang Sulu.
“At sa aming mga puso’t isipan, hindi mabubura ang Sulu sa kasaysayan ng Bangsamoro. Patuloy natin silang sasamahan sa kanilang pakikipaglaban sa kanilang karapatan bilang Bangsamoro at Bangsa Sug,” dagdag niya.
Maging si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ay malungkot sa naturang desisyon.
Aniya isa ang Sulu sa mga orihinal na probinsyang bumuo sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na kumakatawan sa mga hangarin nila para sa self-governance, kapayapaan at kaunlaran.
“It is with profound sadness that we receive the recent Supreme Court decision, which effectively severs the province of Sulu from the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Sulu has been a foundational part of the autonomous government in our region. Alongside Lanao del Sur, Sulu was one of the original provinces that formed the, embodying the aspirations of our people for self-governance, peace, and development,” sabi ni Adiong.
Sabi pa niya malinaw naman na ang naturang plebesito ay patungkol sa pagpapatibay ng BOL at hindi kung mapapabilang o hindi sa BARMM.
Nanawagan naman si Adiong sa mga kapatid sa Sulu at kabuuan ng Bangsamoro na manatiling matatag at patuloy na isulong ang ikabubuti ng Bangsamoro.
“We hold close the hope that our shared history, struggles, and aspirations will continue to bind us together, even in the face of this separation. We will continue to work toward a future where all Bangsamoro people, regardless of boundaries, can prosper and thrive in unity,” dagdag pa ni Adiong.| ulat ni Kathleen Forbes