Dismayado ang National Authority for Child Care (NACC) sa umano’y maling paglalarawan ng usapin ng pag-aampon at foster care sa bagong pelikulang “Dear Satan.”
Sa isang pahayag, sinabi ni NACC Undersecretary Janella Ejercito Estrada na salungat ang pelikula sa mandato ng NACC na ipabatid sa publiko ang mga ligal na mekanismo ng pag-aampon at alternatibong pangangalaga sa bata.
Maging ang usapin ng ‘foster care’ ay hindi rin umano katanggap-tanggap na naipresenta ng pelikulang ‘Dear Satan.’
Ayon kay Estrada, pinapalaganap ng naturang pelikula ang matagal nang iligal na mga gawi sa pag-aampon tulad ng pagpili ng bata at biglaang pag-uwi sa kanya.
Ipinunto naman ng opisyal ang kanilang tungkulin na palawakin ang kamalayan ng publiko sa ligal na proseso ng pag-aampon at alternatibong pangangalaga sa bata at maalis ang mga iligal na gawi na nagdudulot ng panganib sa kaligtasan ng isang batang nangangailangan ng pamilya. | ulat ni Merry Ann Bastasa