Muling tiniyak ng National Security Council at Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) ang buong suporta nito sa usaping pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at rebel groups.
Ito ang binigyang diin ng dalawang ahensya sa pamamagitan ng kanilang mga budget sponsor sa ginawang plenary deliberation ng panukalang 2025 General Appropriations Bill sa Kamara ngayong araw.
Sa magkasunod na interpelasyon ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa NSC at OPAPRU, kapwa niya hiningi ang posisyon ng mga pinuno ng ahensya sa peace talks.
Tugon ni Appropriations vice-chair Loreto Acharon, sponsor ng NSC budget,100 porsyentong nakikiisa ang NSC sa layunin ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkaroon ng kapayapaan.
Ito aniya ang dahilan kung bakit lahat ng opsyon para makamit ito ay kanilang inaaral.
Umaasa rin aniya sila na darating ang panahon na mayayakap ng gobyerno ang mga natitira pang subversive groups para sa pangmatagalang kapayapaan.
“The DND and the entire government led by the president is still exploring all options towards achieving peace. Ito naman po ang hinangahad ng anggulo, that one day, everyone will embrace, even the most subversive group still existing, will embrace the concept of comprehensive and everlasting peace para po tuloy-tuloy na po ang pag-unlad ng ating bansa. NSC, NSA, the National Security Advisor, General Año, is supporting the policy of the President in achieving peace, in resuming peace talks with whoever wants to talk with the government to embrace and to achieve peace finally with our communists or the other not so friendly with the government,” sabi ni Acharon.
Sinegundahan ito ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, sponsor ng budget naman ng OPAPRU.
Aniya, patunay na nakasuporta ang gobyerno sa peace process ang pagtalakay sa pondo ng ahensya na tumutugon sa ugat ng kaguluhan.
Desidido rin aniya ang pamahalaan na matapos at maisakatuparan ang peace process kasama ang mga armadong grupo.
“So very clear ang position ng gobyerno at administration na ito patungkol sa usaping kapayapaan. The mere fact that we’re talking about a budget for an agency that specifically addresses the root cause and the issue on conflict-affected areas proves the sincerity and the priority of this current administration to push forward the talks of peace process with other armed groups. According to OPAPRU, ang administration na ito [is] really adamant on seeing the final completion of the peace process and peace talks with all other armed groups,” sabi ni Adiong.| ulat ni Nimfa Asuncion