Naka “Blue Alert” status ngayon ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ito’y para tutukan ang sitwasyon sa mga lalawigan sa hilagang Luzon bunsod ng panananalasa ng bagyong Julian.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson, Director Edgar Posadas, maliban sa Central Office, nakataas din ang kaparehong status sa Region 1 (Ilocos), Region 2 (Cagayan Valley), at Cordillera Administrative Region.
Ibig sabihin, naka-alerto ang nasa 50 porsyento na karagdagang puwersa sa mga Regional Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga apektadong lugar.
Ipinauubaya naman na ng NDRRMC sa kanilang Regional counterparts ang mga gagawing pagtugon alinsunod sa itinatakda ng mga emergency protocols.
Pagtitiyak naman ng NDRRMC, bukas ang kanilang operations center sa pagtanggap ng tawag ng mga nangangailangan ng tulong.
Sa ngayon, sapat ang available resources ng mga lugar na inaasahang maapektuhan ng bagyo partikular na ang food at non-food items. | ulat ni Jaymark Dagala