Naglabas na ng guidelines ang National Electrification Administration (NEA) para sa mga opisyal at empleyado nito na nagpaplanong kumandidato sa darating na 2025 national at local elections.
Sa inilabas na memorandum, pinaalalahanan ni NEA administrator Antonio Mariano Almeda ang mga potential candidate sa mga tuntunin na itinakda ng COMELEC alinsunod sa probisyong nakasaad sa Republic Act 10531 o NEA Reform Act of 2013.
Sinabi ni Almeda na lahat ng EC officials at employees na magsusumite ng certificate of candidacy (COC) para sa May 12 national at local election at parliamentary election sa Bangsamoro Autonomous Region on Muslim Mindanao (BARMM) ay awtomatikong nagbitiw na sa kanilang tungkulin.
Kung ang isang EC official o employee naman ay kakandidato sa isang partylist group, hindi ito ituturing na on-leave o pagbibitiw sa kondisyon na siya ay nominado ng organisasyon o ng miyembrong consumer-owners.
Ang guidelines ay base sa RA 10531 Section 26 na nagtatakda ng kalayaan ng EC Board of Directors at iba pa.
Nakatakda na sa Oktubre 1 hanggang 8 ang filing ng COC sa Comelec para sa National at Local Elections habang sa Nobyembre 4 hanggang 9 naman ang filing para sa BARRM Parliament. | ulat ni Rey Ferrer