Nakatutok na rin ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa posibleng epekto ng bagyong Enteng sa bansa partikular na sa mga transmission operations at facilities.
Ayon sa NGCP, kabilang sa inilatag nitong precautionary measures ang kahandaan ng pasilidad ng komunikasyon, pagkakaroon ng mga kagamitang kailangan sa pagkukumpuni ng maaaring masirang pasilidad, at gayundin ang pagpuwesto ng mga line crews sa mga lugar na maaring daanan ng bagyo.
Bahagi ito ng Integrated Disaster Action Plan (IDAP) ng ahensya para masiguro ang kahandaan ng lahat ng power transmission facilities na maaaring tamaan ng bagyo.
Una na ring inatasan ng National Electrification Administration (NEA) ang mga electric cooperatives (ECs) na maglatag na ng kanya-kanyang contingency measures para mabawasan ang posibleng epekto ng bagyo sa kanilang serbisyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa