Idineklara ng Korte Suprema sa isang desisyon nito na hindi maaaring magpataw ng mga singil o rates ang National Telecommunications Commission (NTC) sa mga telecommunications company (telco) nang hindi sumusunod sa due process.
Ayon sa Second Division ng Korte Suprema na pinamunuan ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, isinantabi nito ang order ng NTC na nag-uutos sa mga telco na gamitin ang six-second-per-pulse billing scheme para sa mga tawag noong 2009.
Bago kasi ang nasabing kautusan ng NTC, kada minuto ang ginagawang pag-charge ng mga telco sa mga end user nito kung saan kapag lumagpas nga ang tawag ng bahagya sa isang minuto ay automatic itong icha-charge bilang isang minuto.
Kabilang ang Globe at Smart, sa mga nasabing humamon sa kautusang ito ng NTC, na sinasabing lumampas ang ahensya sa kanilang awtoridad sa pagpataw ng sistema sa paniningil at hindi dumadaan sa tamang konsultasyon.
Pinagtibay naman ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals, na nagsasabing bagaman may kapangyarihan ang NTC na mag-regulate ng mga singil, kinakailangan itong maging makatarungan, makatwiran, at batay sa konsultasyon at datos mula sa mga pagdinig.| ulat ni EJ Lazaro