Binalaan ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang publiko sa plano ng CPP-NPA na muling buhayin ang mga “salugpungan” o “indigenous people’s schools” sa Davao Region.
Ito’y matapos ibunyag ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr. na may aktibong kampanya ang CPP-NPA na palawakin ang kanilang presensya sa mga komunidad sa pamamgitan ng mga “salugpungan” school.
Ibinunyag din ni Torres na may grupong tinaguriang “Salugpungan International,” na nagpapanggap na tumutulong sa mga katutubo sa pamamgitan ng pondo mula sa mga dayuhang organisasyon.
Ayon kay Torres, 40 porsyento ng pondong nalilikom ang ipinangtutustos sa “salugpungan schools,” habang 60 porsyento ang direktang napupunta sa kilusang komunista.
Matatandaang noong 2019, ipinasara ng Department of Education (DepEd) ang 55 salugpungan schools sa Davao Region dahil sa mga paglabag, sa gitna ng alegasyong ginagamit ang mga ito bilang recruitment center ng NPA. | ulat ni Leo Sarne