Kumikilos na ang Office of Civil Defense – National Disaster Risk Reduction and Management Concil (OCD-NDRRMC) upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa pananalasa ng bagyong Enteng.
Ito ang inihayag ni OCD Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno matapos ang isinagawa nilang Pre-Disaster Risk Assessment Meeting kahapon.
Sa isinagawang pagpupulong, itinaas na ang RED Alert status sa lahat ng mga lugar na nakataas ang babala ng bagyo bilang 1 dahil malaki ang posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa pag-ulang dala ng habagat.
Batay kasi sa abiso ng PAGASA, paiigtingin ng bagyong Enteng ang hanging habagat habang binabagtas nito ang direksyong pa-hilagang kanluran.
Dahil dito, pinagana na ng OCD ang kanilang mga protocol sa paghahanda gayundin sa pagtugon sa epektong dulot ng bagyo na siyang gagawin ng mga lokal na pamahalaan. | ulat ni Jaymark Dagala