Humihiling ang Office of the Ombudsman ng dagdag na P975 million sa kanilang panukalang 2025 budget.
Sa committee hearing ng Senado para sa P5.824 billion proposed budget ng Office of the Ombudsman, sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na ang hiling nilang dagdag pondo ay para sa pag-eempleyo ng dagdag na 62 na abogado, pagtatatag ng satellite offices sa buong bansa at iba pang non-legal employees.
Ayon kay Martires, makatutulong ang pag-eempleyo nila ng dagdag na mga abogado para mapabilis ang usad ng imbestigasyon ng mga kasong isinasampa sa kanila na may kinalaman sa mga opisyal ng gobyerno o mga transaksyon na may kaugnayan sa pondo ng bayan.
Bukod sa panukalang pondo, sinabi ni Martires na hihilingin rin nila sa Kongreso na gawing malinaw ang kahulugan ng ‘inordinate delay’ sa batas.
Aminado kasi ang Ombudsman na ilan sa mga kaso ay nauuwi sa dismissal o pagkakabasura dahil sa rason ng ‘inordinate delay’.
Aniya, sana ay maikonsidera na hindi madaling imbestigahan ang paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act kabilang na ang pagrerebyu ng libU-libong mga dokumento.
Samantala, bukas din si Martires na P1 milyon na lang muli ang confidential fund na ibigay sa kanilang opisina, gaya nang inilaan sa ilalim ng kanilang 2024 budget.
Sinabi ni Martires na maaaring magamit pa ng ibang investigating agencies ang P51 million na confidential fund na inilaan sa kanila sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program (NEP). | ulat ni Nimfa Asuncion