Hindi tinanggap ni OFW Party-list Representative Marissa “Del Mar” Magsino ang naging dahilan ng Department of Health (DOH) na hirap silang makakuha ng listahan o impormasyon ng mga overseas Filipino worker (OFW) na naire-repatriate sa bansa.
Sa budget deliberation ng Department of Health, nanghingi ng update si Magsino sa ipinatutupad na Inter-Agency Medical Repatriation Assistance Program o IMRAP.
Ang IMRAP ay joint memorandum circular na naglalayong asistihan ang medical repatriation ng mga migrant worker kabilang ang kanilang dependents.
Nabangit ni DOH Usec. Kenneth Ronquillo, na sa ngayon ay inaayos pa nila ang pagpapatupad ng sistema ng IMRAP at nagkakaroon lamang aniya ng kaunting balakid dahil umano kulang sila sa impormasyon ng OFWs na na-repatriate.
Sinabi ni Magsino, sa ilalim ng hakbang dapat ay may DOH help desk sa mga aiport upang agad na tulungan ang medical repatriates, at madali lang aniyang kunin ang impormasyon na mga ito sa pamamagitan ng Department of Migrants Workers at Overseas Workers Welfare Administration.
Samantala, binigyang diin ng party-list solon ang kahalagahan ng paglalaan ng pondo upang tiyakin na may sapat na funding ang pagkakaroon ng OFW wards sa mga DOH level 3 hospitals.
Diin ni Magsino, hindi naman ganun karami ang medical repatriates para mai-refer ito sa mga ospital kaya hindi pwedeng idahilan na punuan ngayon ang mga ospital sa bansa kaya hindi na-accommodate agad ang repatriates at kanilang mga pamilya.
Tiniyak naman ni Usec. Ronquillo sa mambabatas, na kanila na ngayong pinalalakas ang koordinasyon sa ibang government agencies at private hospitals, para pagsilbihan ang mga OFW. | ulat ni Melany Valdoz Reyes