Isinagawa ng Embahada ng Pilipinas sa Lebanon, sa pakikipagtulungan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang isang one-stop-shop na serbisyo para sa mga Pilipino sa Zahlé, isa sa mga pinakamalaking lungsod sa Lebanon.
Layunin ng outreach na magbigay ng mahahalagang consular services sa ating mga kababayan doon tulad ng pag-renew ng pasaporte, notarial, civil registration, at pagproseso ng membership sa OWWA.
Ayon sa Embahada, bahagi ito ng kanilang mga pagsisikap na suportahan ang mga Pilipino sa buong Lebanon, lalo na sa gitna ng mga kasalukuyang hamon doon.
Kasama rin sa mga serbisyo na dinala ng Embahada ang Overseas Voters’ Registration, upang matiyak na aktibo pa rin ang mga Pilipino na makaboto para sa darating na 2025 Philippine National Elections.
Sa kabilang banda, ipinaalala ng Embahada sa mga Pinoy sa Lebanon ang kahalagahan ng mga paghahanda sakaling lumala pa ang mga sitwasyon sa kanilang lugar at pananatiling mapagmatyag at pagsaalang-alang ng paglisan sa nasabing bansa dahil sa kasalukuyang unstable security situation doon resulta ng mga kamakailang mga kaganapan.
Sa kabuuan, naging matagumpay ang isinagawang outreach ng Embahada sa tulong na rin mga grupo ng Pilipino na nasa Lebanon. Kaya naman ilang mga karagdagang outreach programs pa ang nakatakdang isagawa ng Philippine Embassy sa mga susunod na buwan. | ulat ni EJ Lazaro