Katuwang ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI), pinangunahan ni Quezon City Councilor Charm Ferrer ang pag-arangkada ng Organ Donation Program sa Brgy. Bahay Toro.
Ang konsehal ang may akda sa QC Council Resolution no. 9786, S-2024, na naghihikayat sa Department of Health (DOH) at iba pang kaugnay na ahensya na palakasin ang kampanya para sa organ donation.
Dinaluhan ang organ donation program ng ilang barangay officials at barangay health workers sa District 1.
Ayon kay Coun. Ferrer, layon nitong mas palakasin ang kampanya para sa organ donation at mahikayat ang mas maraming Pilipino na magbigay ng bagong buhay sa isang taong naghihintay ng transplant.
Ito ay sa pamamagitan ng pagiging organ donation card holder.
Sa tala ng NKTI Human Organ Preservation Effort (HOPE), mayroon pa lamang 854 organ donor card holders sa bansa ngayon na napaka-kaunti kumpara sa napakaraming pasyenteng ilang taon nang naghihintay ng donor.
Punto ng NKTI, malaking bagay ang pagiging isang donor dahil maaari nitong maisalba ang hanggang walong buhay.
Umaasa si Ferrer na sa tulong ng programa, dumami ang mahikayat na maging organ donors sa lungsod. | ulat ni Merry Ann Bastasa