Personal na sinalubong ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio ang mga kababayan nating naging biktima ng human trafficking na inalok ng pekeng trabaho sa Czech Republic.
Ayon sa OWWA, sapilitang pinagbayad ng malaking halaga ang mga biktima ngunit sa halip na dalhin sila sa Czech Republic ay dinala ang mga ito sa Thailand at Malaysia ng mga illegal recruiter kung saan sila naipit at naloko.
Bilang tugon, ang OWWA ay nagbigay ng agarang tulong, kabilang ang financial assistance, hotel accommodation, at plane tickets sa mga Pilipino upang makauwi ang mga ito sa kanilang mga probinsya at makabalik nang ligtas sa kanilang pamilya.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko na laging maging mapanuri at i-double check ang recruitment agencies gamit ang DMW website upang makasigurong lehitimo ang mga ito. | ulat ni EJ Lazaro