Nagbabala ngayon ang Philippine Statistics Authority (PSA) laban sa mga nag-iimprenta ng Digital National ID sa Polyvinyl Chloride (PVC) o plastic cards.
Sa isang pahayag, sinabi ng PSA na mahigpit itong ipinagbabawal at hindi ito tatanggapin bilang patunay ng pagkakakilanlan sa anumang transaksyon.
Tanging ang PSA lamang ang awtorisadong mag-imprenta at mag-isyu ng National ID.
Ang sinumang indibidwal o grupo na mapapatunayang sangkot sa hindi awtorisadong pag-iimprenta, o pagbibigay ng National ID ay maaaring maparusahan ng pagkakakulong ng tatlo hanggang anim na taon at multa na ₱1-million hanggang ₱3-million alinsunod sa Republic Act No. 11055 o Philippine Identification System Act.
Mariing hinihikayat ng PSA ang publiko na i-download ang kanilang Digital National ID sa pamamagitan ng https://national-id.gov.ph. | ulat ni Merry Ann Bastasa