Pinaigting ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang pag-patrolya sa Escoda Shoal para suportahan ang BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard na nagbabantay sa lugar mula pa noong Abril.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, mananatili sa lugar ang BRP Teresa Magbanua para i-monitor kung natural o man-made ang na-obserbahan na tambak ng “crushed coral” sa nabanggit na lugar.
Sinabi ni Trinidad na sa kabila ng presensya ng malaking bilang ng mga barko ng China sa lugar, hindi ito kailangang tapatan ng Pilipinas, dahil hindi paramihan ng barko ang labanan, kundi kailangan lang bantayan ang possibleng reclamation activity sa lugar.
Nagagawa naman aniya ito ng BRP Teresa Magbanua nang nag-iisa at sa pamamagitan ng mas madalas na mga aerial patrol, at pag-uulat ng mga Pilipinong mangingisda sa lugar.
Matatandaang noong Sabado, 3 beses binangga ng China Coast Guard Vessel (CCGV) ang BRP Teresa Magbanua habang nagpapatrolya sa lugar.
Sa huling ulat kahapon, 3 CCGV, 2 People’s Liberation Army-Navy ships, 1 Chinese hospital vessel, 1 research ship at 47 maritime militia vessels ang na-monitor sa Escoda Shoal. | ulat ni Leo Sarne