Nagpapatupad na ngayon ng early procurement ang DEPED sa ilalim ng pamumuno ng bagong kalihim na si Sec. Sonny Angara.
Sa budget hearing sa Kamara, ipinunto ni Angara na ito ay para maiwasang maulit ang delay sa delivery ng mga kinakailangang kagamitan sa mga eskuwelahan gaya na lang ng laptop.
Isa kasi sa mga napuna ng mga miyembro ng House Appropriations Committe ang kabiguan ng DEPED sa ilalim ng nakaraang pamunuan na mai-deliver ang nasa P9 na bilyong halaga ng laptop at e-learning equipment para sana noong 2023.
Isa ito sa laman ng COA report noong 2023 kung saan mula sa P11.36 billion na hininging budget ng para sa computers, laptops, smart television sets at iba pang e-learning equipment ay 19.22 percent o P2.18 bilyon lang nag nagamit.
Paliwanag ni Director for Information and Communications Technology Service (ICTS) Ferdinand Pitagan hindi agad umusad ang 2023 DepEd Computerization Program (DCP) dahil inunang tapusin ang pondo noong 2022.
Nitong May 2024 lamang aniya nila nabili ang mga kinakailangang kagamitan gamit ang 2023 budget.
Pag-amin din ni Pitagan na para sa kanilang 2024 budget nasa 3 percent pa lang ang nabibili para sa e-learning carts at Smart TV dahil nitong Enero lang ginawa ang procurement process at inaasahan na sa Disyembre pa maidedeliver lahat.
“Ma’am, kaya po ngayon, doon po sa hinihingi namin na 2025, we have started already the early procurement activities. Para po ngayon this year, meron na po ang NEP level, sinimula na po namin yung EPA activities para nga pagdating ng 2025, mabili ka ang data ng ID.” Sabi ni Pitagan
Iba pa ito na tinukoy na 44,638 na Information and Communications and Technology (ICT) packages na kasamang napondohan noong pang 2021 ni Marikina Rep. Stella Quimbo na ayon kay Pitagan ay sa Disyembre na rin maidedeliver sa mga paaralan.
Sa ngayon ani Pitagan, mayroong 755 smart TVs at 900 laptops na nasa warehouse pa ng Transpac.
“Your Honor, for the fund year starting 2022, 2023, 2024. Yung 2023 natin, diretso na po ito sa schools. So, wala na pong warehousing sa 2023 fund at 2024 fund. Delivered to schools na po ito. Diretso na po. Yung pong nasa warehouse, yun po yung 2020, 2021…As per the contract, it’s 180 days. Hanggang December po of this year, madi-deliver na natin itong lahat ng 44,638.” Dagdag ng opisyal
Aminado naman si Angara na maging siya ay nagulat na mayroong higit 1.5 million laptops, books, furniture at iba pang school items na nananatili sa iba’t ibang warehouse sa loob ng apat na taon.
Hiningi na aniya nila ang tulong ng Armed Forces of the Philippines para maideliver sa mga eskuwelahan ang naturang kagamitan
Maliban sa early procurement activities ay inaaral na rin aniya nila ang pagpapaubaya ng bidding process sa mga regional at division levels para mas mapadali ang pagbili. | ulat ni Kathleen Forbes