Gagamit na ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng artificial intelligence sa weather forecasting o sa pagsasabi ng magiging lagay ng panahon sa bansa.
Ito ang ibinahagi ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2025 budget ng ahensya.
Ayon kay Solidum, gagamit na sila ng AI para mas mapahusay ang pagbibigay sa publiko ng impormasyon tungkol sa lagay ng panahon.
Sa pamamagitang nito, magiging kada 15 minutes na maibibigay ng weather forecast sa publiko sa halip na kada tatlong oras
Pwede na rin aniyang magbigay ang PAGASA ng forecast na pang-14 na araw sa halip na pang-5 araw lang.
Sa pagdinig, natanong ni senador juan miguel zubiri kung bakit tila hindi tama ang weather forecast sa ibang bahagi ng bansa.
Ipinaliwanag naman ni Solidum na mas mahirap ma-forecast ang panahon sa isang archipelagong bansa gaya ng Pilipinas.
Ibinahagi naman ni PAGASA administrator Nathaniel Servando na sa ngayon ay 11 lang sa 19 doppler radars nila ang gumagana dahil ang iba ay nasira ng mga nagdaang lindol at bagyo.
Iginiit rin ni Solidum na ginagampanan naman ng PAGASA ang kanilang mandato sa weather forecasting at pagsasabi ng magiging posibleng volume ng babagsak na ulan.
Ang dapat aniya ay mas maging alerto ang mga lokal na pamahalaan at magkaroon ng maayos na standard operating procedure sa pagtugon sa kanilang mga binibigay na impormasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion