Plano ngayon ng Quad Committee na isulong ang panukalang batas para maibalik ang parusang kamatayan, partikular para sa mga karumal-dumal na mga krimen.
Isa lamang ito sa 13 panukala na tinukoy ng Quad Comm bilang tugon sa naungkat na isyu ng iligal na droga, operasyon ng iligal na POGO, pagbili ng mga lupain ng mga foreign national gamit ang mga pekeng dokumento at extrajudicial killings.
Ayon kay Quad Comm lead, Chairperson Robert Ace Barbers, nag-urong-sulong sila sa usapin ng death penalty noon kaya naman nawalan ng takot ang mga kriminal.
Sabi pa niya, mismong mga kapulisan ay ginamit para linisin ang mga pinaghihinalaan at pinagbintangang personalidad na may kinalaman sa droga.
Giit pa ni Barbers, hindi lang basta pagsisiwalat sa mga may sala ang layunin ng komite ngunit higit sa lahat ay tugunan ang mga butas sa batas at polisiya at magpatupad ng reporma para hindi na ito maulit.
Kasama rin sa mga panukala ang pagpapawalang bisa sa Executive Order No. 13 series of 2017 at RA 11590 na nagpahintulot sa legalisasyon ng operasyon ng POGO.
Ilan pa sa panukala ang amyenda sa Cybercrime Law para labanan ang online gambling, hacking at investment scams; amyenda sa Anti-Money Laundering Act para makagawa ng aksyon kahit wala pang naisampang kaso sa korte; amyenda sa Revised Corporation Code of the Philippines para matiyak na tanging legal na entities at personalidad lang ang makakapagtayo ng mga korporasyon; amyenda sa Local Government Code of 1991; amyenda sa batas sa pagpaparehistro ng live birth certificate pati ang Land Registration Act, Civil Registry Law, Comprehensive Dangerous Drugs Act, New Passport Act at pagpapalakas sa Witness Protection Act
Pinarerepaso rin ng komite ang ibinigay na kapangyarihan sa iba pang ahensya maliban sa DFA sa pagbibigay ng visa sa mga dayuhan. | ulat ni Kathleen Forbes