Balak isulong ni Senate President Chiz Escudero na magkaroon ng special provision sa panukalang 2025 budget para maipagbawal ang paglalagay ng mukha ng mga pulitiko sa lahat ng mga proyekto ng pamahalaan.
Ayon kay Escudero, partikular na ipagbabawal na lagyan ng mukha at pangalan ng mga pulitiko ang mga proyektong ginagastusan ng gobyerno gaya ng mga kalsada at mga ayuda
Si Escudero ang co-author ng Anti Epal Bill na isinulong noon ni dating Senadora Miriam Defensor Santiago.
Mahabang proseso aniya kung isusulong pa nila ang panibagong panukala kaya’t mas magiging makabuluhan at mabilis kung isasama na lang ito bilang special provision sa general appropriations act (GAA).
Naniniwala rin ang Senate leader na hindi ito maidedeklarang unconstitutional dahil kadalasan namang naglalagay ng special provision ang mga mambabatas sa GAA. | ulat ni Nimfa Asuncion