Ibinunyag ni Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director, Police Maj. Gen. Leo Francisco na “tsismis” lang ang mga naging pahayag ni dating AFP General na ngayo’y PAGCOR Executive Raul Villanueva.
Ito’y ayon kay Francisco kasunod ng naging pag-amin sa kaniya ni Villanueva matapos ang kanilang naging pag-uusap sa telepono.
Sa katunayan, sinabi ni Francisco na handang muling humarap sa Senado si Villanueva para amining haka-haka lamang ang nauna nitong pahayag sa pagdinig.
Magugunitang sinabi ni Villanueva sa pagdinig ng Senado na may isang dating PNP chief ang tumatanggap ng lagay mula sa POGO at tumulong pa sa pagpapatakas kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Dahil dito, hindi na iimbestigahan ng CIDG ang usapin subalit hindi naman napag-usapan nila Francisco at Villanueva ang paghingi nito ng public apology.
Una nang iginiit ng Council of Chiefs o samahan ng mga dating PNP chiefs ang paghingi ni Villanueva ng public apology dahil sa kahihiyang idinulot ng mga pahayag nito sa kanila.
Hinggil naman sa pagsasampa ng kaso laban kay Villanueva, sinabi ni Francisco na hinihintay pa niya ang utos mula kay PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil para sa kanilang susunod na hakbang. | ulat ni Jaymark Dagala