Plano ni Senador Sherwin Gatchalian na busisiin ang intelligence fund ng law enforcement agencies ng bansa kasunod ng naging pagtakas at paglabas ng Pilipinas ni dating Mayor Alice Guo.
Para kasi kay Gatchalian, nagkaroon ng pagkukulang sa intelligence.
Kaya naman sa magiging pagdinig ng panukalang 2025 budget ng iba’t ibang law enforcement agencies ay tatanungin ng senador kung paano ginagastos ng mga ahensyang ito ang kanilang intel fund, at kung paano sila bumuo ng isang mahusay na intelligence network.
Aniya, dapat ay nakita ng intelligence community ang kinaroroonan ni Guo mula pa nang matapos ang kanyang huling pagharap sa pagdinig ng Senado noong May 22.
Giniit ni Gatchalian, na hindi na dapat sila nahayaan pang malayang makalipat ng iba pang lugar o nakarating ng pantalan.
Matatandaan sa naging pahayag ng kapatid ni dating Mayor Alice Guo na si Shiela Guo, sinabi nitong nakalabas sila ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagdaan sa hindi pa matukoy na daungan sa luzon.
Binigyang diin ng senador na dapat may managot sa isyung ito, may kakuntsaba man ang mga ito o kung nagkaroon man ng failure of intelligence. | ulat ni Nimfa Asuncion