Hindi rin sang-ayon si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa hiling ni dating Mayor Alice Guo para sa isang executive session kaugnay ng ginagawang imbestigasyon sa kanya tungkol sa operasyon ng mga POGO sa bansa.
Ayon kay Estrada, maaaring makasira sa prinsipyo ng transparency at public accountability ng mga senate investigations ang pagpayag sa hiling na executive session ni Guo.
Posible rin aniya itong makasira sa tiwala ng publiko sa proseso.
Dinagdag rin ng senador na hindi pa nakapagbibigay ng sapat na rason si Guo, lalo na kaugnay sa national security, para payagan ng Senate panel ang pagkakaroon ng executive session.
Hindi rin kumbinsido si Estrada sa claim ni Guo na may natatanggap itong death threat.
Pinunto ng mambabatas na ni hindi pa nga nito nire-report sa mga awtoridad ang sinasabi niyang death threat.
Pwede aniyang dahilan na lang ito ng dating alkalde para makaiwas sa tanong ng mga senador.| ulat ni Nimfa Asuncion