Pinaigting pa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isinasagawa nitong search and rescue operations para sa nawawalang bangkang pangisda sa Hilagang Quezon sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Enteng.
Kinilala ang nawawalang bangka na FBCA ZSHAN, kung saan sakay nito ang 15 mangingisda, kasama ang kapitan nitong si Alejandro Mahinay.
Umalis ang bangka mula sa Barangay Dinahican, Infanta, Quezon noong Agosto 18 para mangisda ngunit magmula Setyembre 3 ay wala nang komunikasyon sa mga tripulante nito.
Ayon sa may-ari ng bangka na si Noreen Soronel, pinaalalahanan pa nito ang mga tripulante na iwasan ang bagyo sa pamamagitan ng pag-reroute nito sa isang designated sheltering area sa Burdeos ngunit hindi na ma-contact ang mga sakay nito habang patungo sa nasabing lugar.
Sinubukan ng isa pang bangka, ang FBCA Irish J, na kapwa papunta rin sa sheltering area na makipag-ugnayan sa nawawalang bangka ngunit hindi rin ito nagtagumpay.
Pinalawak na ngayon ng PCG ang lugar ng paghahanap sa nawawalang bangka at mga tripulante nito sabay panawagan sa mga komunidad sa mga baybayin na mag-ulat ng anumang sightings at impormasyon kaugnay ng FBCA ZSHAN.| ulat ni EJ Lazaro