Prayoridad ng Pamahalaan ang mga hakbang upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan na siyang lilikha ng dekalidad na trabaho para sa mga Pilipino.
Ito ang tinuran ng National Economic and Development Authority (NEDA) kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) hinggil sa pagbaba ng unemployment rate o bilang ng mga walang trabaho sa 4.7% nitong Hulyo.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, maganda ang itintatakbo ng Labor Force ngayong taon dahil pasok ito sa mga itinatakda ng Philippine Development Plan 2023-2028.
Binigyang diin ni Balisacan ang mga istratehiya ng Pamahalaan na suportahan ang mga manggagawa partikular na ang reskilling at upskilling para mapaunlad ang job security at adaptability.
Idinagdag pa ni Balisacan na isinasapinal na ngayon ng NEDA ang Trabaho para sa Bayan Master Plan na siyang magpapaganda sa mga oportunidad sa trabaho at work skills para mga Pilipino.
Minamadali na rin ani Balisacan ang infrastructure development sa enerhiya, logistics gayundin ang physical at digital connectivity sa pagpapalawak ng mga negosyo sa bansa. | ulat ni Jaymark Dagala